Suu Kyi, ikukulong ng Myanmar junta ng anim na taon pa dahil sa korapsiyon
Hinatulan ng Myanmar nitong Miyerkoles ng anim na taon pang pagkakakulong ang napatalsik na lider na si Aung San Suu Kyi para sa korapsiyon, ayon sa isang source na may nalalaman sa kaso. Ibig sabihin, kabuuang 26 na taon na ang itatagal nito sa bilangguan.
Ang Nobel laureate na si Suu Kyi ay hinatulan ng tatlong taong pagkakakulong para sa bawat isa sa dalawa niyang corruption cases, kung saan siya ay inaakusahang tumanggap ng suhol mula sa mga negosyante ayon sa source.
Nakakulong na mula pa noong nakaraang taon, si Suu Kyi ay nahatulan na ng katiwalian at ilan pang mga kaso ng isang ‘closed junta court.’
Sa pinakahuli niyang kaso, ang Nobel laureate na nasa kustodiya na ng militar mula nang gabi ng kudeta, ay akusado ng pagtanggap ng $550,000 suhol mula sa negosyanteng si Maung Weik.
Sinabi ng source na aapela si Suu Kyi, na mabuti naman ang kalagayang pangkalusugan.
Ang mga mamamahayag ay pinagbawalang dumalo sa mga pagdinig sa korte, habang ang mga abogado naman ni Suu Kyi ay pinagbawalan namang magsalita sa media.
Ayon sa isang local monitoring group, mahigit sa 2,300 katao ang napatay at higit sa 15,000 naman ang inaresto sa isinagawang military crackdown sa mga hindi sumasang-ayon sa junta mula nang agawin nila ang kapangyarihan.
© Agence France-Presse