Posibleng mga buto ng tao natagpuan sa labas ng Universal Studios Japan
Isang buong kalansay ang natagpuan sa labas ng Universal Studios Japan theme park, makaraang magsagawa ng pulisya ng pagsisiyasat matapos makadiskubre ng isang bungo na hinihinalang bahagi nito.
Una rito, isang staff member ng Universal ang nakakita ng isang tila bungo ng tao at isang upper jaw, kasama ng iba pang mga buto, habang nagtatabas ng mga halaman sa sikat na amusement park na nasa western city ng Osaka.
Ayon sa isang opisyal na ayaw magpabanggit ng pangalan, natagpuan ng sampung pulis na nagsiyasat sa lugar kasama ng dalawang sniffer dogs, ang iba pang bahagi ng kalansay.
Sinabi ng opisyal, “We found the possible entire skeleton and a pair of trousers attached with a men’s belt in the same area.”
Aniya, magsasagawa ang mga pulis ng analysis sa susunod na linggo upang malaman ang kasarian at edad ng natagpuang kalansay.
Ang Universal Studios Japan ay itinatag noong 2001 bilang unang Universal Studios theme park sa labas ng Estados Unidos at isang sikat na tourist spot.
© Agence France-Presse