Person of Interest na bumaril sa isang jeepney driver sa Las Piñas City, sumuko na
Sumuko na ang person of interest na bumaril sa isang tsuper ng jeep sa Almanza Uno, Las Piñas nitong Linggo.
Ito ay matapos siyang ma-identify sa isinagawang imbestigasyon at negosasyon ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) Las Piñas, sa pangunguna ni City Police Chief Col. Jaime Santos.
Nakilala ang person of interest na si Felipe Claudio Gile.
Ayon sa imbestigasyon, nagsimula ang insidente sa isang road rage o hindi pagkakaunawaan sa kalsada hanggang sa nauwi na sa pamamaril.
Lumitaw sa imbestigasyon na nagkaroon ng mainit na pagtatalo at umabot pa sa pagkakataong sinuntok ni Gile ang biktima habang nasa loob ng minamaneho nitong jeep na pampasada.
Hinarap ni Gile ang biiktima na nakilalang si Celso Sabater, 60-anyos dahil sa hindi umano maayos na pagmamaneho nito ng kaniyang sasakyan.
Tinangka ng biktima na bumaba mula sa kaniyang jeep ngunit pinagbabaril na siya ni Gile sa katawan, pagkatapos ay agad na tumakas lulan ng kaniyang motorsiklo patungo sa Alabang, Muntinlupa.
Sa tulong ng mga nakasaksi na tumawag ng rescue, ay agad na naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima na kritikal ang lagay.
Nasa kustodiya na ng PNP-Las Piñas si Gile habang inihahanda ng mga kinauukulan ang kasong ihahain laban sa kaniya.
Betheliza Paguntalan