Panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo at security protection sa mga media worker inihain sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magbibigay ng dagdag na benepisyo at security protection sa media workers.
Inihain ni Camarines Sur Congressman LRay Villafuerte ang House Bill 304 o An Act Providing Enhanced Protection, Security and Benefits for Media Workers.
Sinabi ni Villafuerte na dapat dagdagan ang benepisyo at security protection sa mga media workers dahil sa uri ng kanilang trabaho bilang isa sa delikadong propesyon.
Nakasaad sa panukalang batas ni Villafuerte na kailangang matiyak ang security of tenure ng media workers sa kanilang employer, mabigyan ng hazard pay, night differential pay at overtime pay.
Ayon kay Villafuerte dapat may insurance coverage at benefits ang lahat ng media workers.
Inihayag pa nito na dahil sa uri ng trabaho ng media workers, nabibingit sa alanganin ang kanilang buhay kaya obligasyon ng estado na protektahan ang kanilang buhay.
Binanggit ni Villafuerte ang report na isa ang Pilipinas sa pinakadelikadong lugar para sa mga mamamahayag dahil sa insidente ng pagpatay tulad ng nangyari sa broadcaster na si Percy Lapid.
Vic Somintac