Mga negosyante hinikayat ng Pangulo na lumahok sa ibat ibang proyektong isusulong ng gobyerno
Pagkagaling sa Ormoc city ay personal namang dinaluhan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang 48th Philippine Business Conference and Exposition 2022 sa the Manila hotel.
Ang nasabing event ay inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce and Industry o PCCI sa pangunguna ng Chairman and CEO ng Ems group of companies na si Ferdinand Ferrer.
Layon ng 48th Philippine Business Conference and Exposition na magkaroon ng dayalogo ukol sa mga polisiya at programa na may kaugnayan sa pagnenegosyo at ekonomiya na mahalaga para sa pagbangon ng Pilipinas at pagpapaunlad ng mga negosyanteng pinoy.
Iniabot naman ni Ferrer kay PBBM ang sampung resolusyon na nabuo sa isinagawang business conference at malugod na tinanggap ng Pangulo.
Tiniyak naman ni PBBM sa mga negosyante na pag-aaralan mabuti ng kaniyang administrasyon sa pamamagitan ng mga kaukulang ahensya gn gobyerno ang mga isinumiteng resolusyon.
Hinikayat naman nito ang mga Filipino businessmen na lumahok sa ibat ibang proyektong isusulong ng gobyerno sa ilalim ng public private partnerships.
Muling nangako si PBBM na patuloy ang kanilang ginagawang pagpapaunlad sa renewable energy sector para matiyak ang pagkakaroon ng sapat na supply ng kuryente at maibsan ang mataas na presyo ng nito.
Malaki ang papel ng power supply sa operasyon ng ibat ibang negosyo sa bansa at ang kawalan ng sapat na supply at mataas na presyo nito ay nakakaapekto sa business sector.
Samantala, pinangunahan ni PBBM ang pagbibigay ng awards sa most business-friendly LGU, most outstanding chamber at iba pa.
Eden Santos