MMDA suportado ng Kamara sa paglalagay ng motorcycle lane sa mga pangunahing lansangan sa Metro manila
Ikinatuwa ni 1-Rider Party-list Representative Ramon Rodrigo Gutierrez ang pag-apruba ng Metro Manila Council sa plano Metropolitan Manila Development Authority o MMDA na magtayo ng dedicated motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Batay sa plano ng MMDA ilalaan sa bicycle riders ang outermost lane ng Commonwealth Avenue, ang susunod na lane naman ay sa mga pampublikong sasakyan habang ang third lane ay para sa motorcycle riders.
Sinabi ni Gutierrez, mahalaga na magkaroon ng exclusive lanes para sa mga motorsiklo dahil sila ang higit na delikadong maaksidente.
Tinukoy ni Gutierrez ang Road Crash Statistics mula sa MMDA Traffic Engineering Center na nagpapakitang mula January hanggang August 2022 ay umaabot sa 1,010 motorcycle-related accidents ang nangyari sa kahabahaan ng Commonwealth Avenue.
Inihayag ni Gutierrez, sa oras na maging matagumpay ang pagkakaroon ng dedicated lane sa motorsiklo sa Commonwealth Avenue ay dapat lang na ipatupad din ito sa iba pang mga lansangan sa Metro Manila para sa kaligtasan ng lahat ng mga motorista.
Vic Somintac