Walong persons of interest sa Percy Lapid killing, hawak na ng mga otoridad
Nasa walong persons of interest sa kaso ng pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid ang nasa kustodiya na ng mga otoridad.
Kasama na rito ang persons of interest sa pagkamatay ng Bilibid inmate na itinuturong middleman sa kaso na si Jun Villamor.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na tatlo sa mga ito ay hawak ng PNP at tatlo ng NBI.
Ang isa ay nasa military facility at ang isa ay nasa Bureau of Corrections pa.
Ilan sa mga ito ay inmates sa Bilibid.
Ayon sa kalihim, maaari pang madagdagan ang bilang ng mga persons of interest sa kaso.
Tiniyak din ni Remulla na pursigido ang mga otoridad na matunton ang utak ng krimen at kung may matataas na tao na nakakaimpluwensiya sa kaso.
May ilang pangalan na rin aniya sila ng posibleng mastermind na sinusundan.
Inihayag pa ni Remulla na isa pang kapatid ni Jun Villamor ang isinailalim na rin sa witness protection program ng DOJ.
Dahil dito, aabot na sa dalawa ang hawak na testigo ng WPP.
Ang dalawa ang nakatanggap ng mensahe sa chat ni Villamor bago ito namatay.
Bunsod naman ng nagpapatuloy na problema ng pagkakapuslit ng cellphone sa loob ng Bilibid na ginagamit sa pagsasagawa ng krimen, inatasan na ni Remulla ang BuCor ng paggamit ng K9 units sa piitan.
Samantala, sinabi din ni Remulla na natapos na ang ikalawang otopsiya sa bangkay ni Villamor at ang resulta ay ilalabas sa Biyernes.
Moira Encina