Senador Cayetano umapela sa mga bilanggo na huwag makipagsabwatan para gumawa pa ng isang krimen
Umapela si Senador Peter Allan Cayetano sa mga bilanggo na huwag nang makipagsabwatan sa mga kriminal para gumawa ng krimen gaya ng nangyayari sa New Bilibid Prison.
Personal na binisita ni Cayetano ang mga bilanggo sa Taguig City Jail at inalam ang kanilang kundisyon.
Sa bilangguang ito nakakulong ang mga idinadawit sa mga kontrobersyal na kaso, kabilang na ang pagmasaker ng pamilya Ampatuan sa mga mamamahayag at iba pang biktima.
Ayon kay Cayetano, kahit guilty ang mga bilanggo ay maari pa rin silang makalaya at muling makasama ang kanilang pamilya kung magiging mabait habang nasa loob ng bilangguan.
Apila niya, kahit nakakulong huwag nang makipagsabwatan para gumawa ng krimen tulad ng pagpatay at pagtutulak ng iligal na droga.
Hindi rin aniya masamang magsumbong ang mga bilanggo sa mga awtoridad kung may makikitang pagkakamali ang kanilang mga kasamahan.
Sabi ni Cayetano, sinusuportahan niya ang isinusulong na death penalty para sa drug at henious crimes pero dapat unahin ng gobyerno ang modernisasyon sa mga bilangguan.
Ito’y para hindi na rin nagagawa ng mga bilanggo ang pakikipagsabwatan at pakikipagnegosasyon sa mga nasa labas ng bilangguan, para pumatay at magtulak ng illegal drugs.
Meanne Corvera