Kamara, nangakong ipapasa na ang E-Governance Act na hinihingi ni PBBM sa pagbabalik ng sesyon ng kongreso sa November 7
Tiniyak ni House Speaker Martin Romualdez na agad na aaksiyunan ang mga mahahalagang panukalang batas ng Marcos administration sa muling pagbabalik ng sesyon ng kongreso sa November 7.
Ayon kay Romualdez kabilang dito ang E-Governance Act na siya mismo ang naghain ng panukalang batas o House Bill number 3, na naglalayong i-digitalize ang mga record ng gobyerno para mapabilis ang delivery ng sebisyo at maalis ang red tape sa mga government transaction.
Sinabi ni Romualdez,na tugon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na ipasa na ang E-Governance Act para makasunod ang Pilipinas sa ibang mga bansa sa larangan ng digital economy.
Inihayag ni Romualdez sa Kamara na sinimulan na ang digitalization project, at nakipagpulong na si House Secretary General Reginald Velasco sa mga kinatawan ng Congressional Research Service of the Library sa Washington DC.
Dagdag pa ni Romualdez, bumuo na rin ng technical working group ang House Committee on Information and Communications Technology na pinamumunuan ni Congressman Toby Tiangco, para ma-consolidate ang E-Governance Bill sa Kamara.
Vic Somintac