Embahada at Consulate General ng Pilipinas, walang natatanggap na ulat ng mga Pinoy na nadamay sa pagsabog sa Istanbul
Nagpaabot ng pakikidalamhati ang Embahada ng Pilipinas sa Ankara at Philippine Consulate General sa Istanbul sa mga pamilya ng mga biktima ng pagsabog sa Turkey.
Sinabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Ma. Teresita Daza na patuloy na mino-monitor ng Philippine Embassy at Consulate General sa Turkey ang sitwasyon.
Sa ngayon aniya ay walang ulat silang natatanggap ng mga Pilipino na nadamay o nasawi dahil sa pagsabog sa Istanbul.
Sa inisyal na mga ulat, umaabot sa anim ang patay at 81 katao ang sugatan sa insidente na itinuturing na terrorist attack ng mga otoridad.
Tinatayang 3,000 Pinoy ang naninirahan sa Istanbul.
Kabilang na rito ang household service workers, mga asawa ng Turkish nationals, at mga nagtatrabaho sa foreign companies at English teachers.
Moira Encina