IRR ng batas para sa hiwalay na pasilidad sa mga heinous crimes convict, nakatakdang lagdaan ni SOJ Remulla
Naghihintay na lamang ng lagda ni Justice Secretary Crispin Remulla ang implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act No. 11928 o ang batas para sa Separate Facility for Heinous Crimes.
Sa oras na malagdaan ang IRR ay magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.
Isa sa mga pangunahing probisyon ng IRR ng batas ay dapat itayo ang pasilidad sa suitable location na malayo sa general population at ibang persons deprived of liberty (PDLs).
Hanggat maaari ito ay nasa loob ng military facility o isla na malayo sa mainland.
Dapat din na matagpuan ang piitan sa secured at isolated na lokasyon.
Mayroon din dapat na hindi bababa sa tatlong hiwalay na pasilidad para sa high-level offenders o tig-isa sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang bawat pasilidad ay dapat na may hiwalay na gusali para sa lalaki at babaeng PDLs.
Ililipat ang mga preso na itinuturing na high-level offenders sa loob ng 30 araw matapos na makumpleto ang konstruksyon ng heinous crimes facility.
Kinakailangan din na ang pasilidad sa nasabing uri ng PDLs ay state-of-the-art na may surveillance cameras at latest information technology at security systems na may kakayanan na i-monitor ang mga preso sa loob ng 24 na oras.
Magkakaroon din ng regular random drug testing sa heinous crimes convicts sa piitan.
Ang PDLs na high-level offenders ay papayagan na makausap ang kanilang pamilya at abogado sa parehong pagbisita o sa pamamagitan ng phone, video o correspondence alinsunod sa UN Standard Minimum Rules for the Treatment of Prisoners at iba pang international standards.
Moira Encina