9,190 bar examinees, nakakumpleto sa day 3 ng Bar Exams
Umaabot sa 9,190 bar examinees ang kumuha at nakakumpleto sa ikatlong araw ng 2022 Bar Exams.
Sinabi ng Korte Suprema na ang bilang ay katumbas ng 91.84% na turnout.
Ito ay mas mababa ng anim na examinees kumpara sa nakatapos sa ikalawang araw ng pagsusulit noong November 13 na 9,196.
Para sa day 3 ng eksaminasyon ay nagsulit ang bar candidates sa Civil Law I at Civil Law II (and Practical Exercises).
Muling nag-inspeksyon at bumisita ang mga mahistrado ng Korte Suprema sa ilang local testing centers.
Kabilang sa pinuntahan ng justices ang UP sa BGC, University of San Carlos, University of Cebu at Ateneo De Davao University.
Ang ika-apat at pinal na bar exams day ay gaganapin sa Linggo, November 20.
Moira Encina