OVP pinalawig ang ugnayan sa PAO at DOLE para sa pagkakaloob ng libreng legal aid at trabaho
Kasunod ng ika-87 anibersaryo ng Office of the Vice- President (OVP), lumagda ito sa magkahiwalay na memorandum of understanding (MOU) sa Public Attorney’s Office at Department of Labor and Employment (DOLE) para sa libreng legal assistance at emergency employment sa mga Pilipino.
Nagpasiya ang OVP na bumuo ng kasunduan sa PAO dahil sa dami ng mga Pilipino na dumudulog sa satellite offices nito na nangangailangan ng legal service at advice.
Ayon kay Vice- President Sara Duterte, walang programa ang OVP para sa legal assistance kaya tama lang na makipagtulungan ito sa PAO para sa nasabing serbisyo.
Sinabi ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta na ito ang unang pagkakataon sa dalawang dekada niya sa ahensya na nagkaroon ng MOU ang tanggapan ng pangalawang-pangulo sa PAO para sa legal aid sa mga maralitang Pinoy.
Sa pamamagitan ng kasunduan, maaaring maglagay ng PAO lawyers sa satellite offices ng OVP.
Sa tulong din aniya nito ay mas maraming mahihirap na Pinoy ang maaabot ng libreng legal na tulong ng PAO.
Alinsunod naman sa mithiin ng Pamahalaang Marcos na poverty-reduction at gainful employment, nakipag-ugnayan ang OVP sa DOLE para mapagkalooban ng pansamantalang kabuhayan ang mga Pinoy habang naghahanap ng permanenteng trabaho.
Sa ilalim ng MOU ay magbibigay ng referrals ang tanggapan ng bise presidente para maging benepisyaryo ng TUPAD o Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers program ng DOLE.
Inihayag ni Vice President Duterte na ang “milestone agreements” na ito sa PAO at DOLE ay simula pa lang ng makabuluhang partnerships ng OVP sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa kapakanan ng mga Pilipino.
Moira Encina