DOJ inimbitahan sa bansa ang UN special rapporteur on extrajudicial killings
Inaasahang darating sa bansa sa unang bahagi ng 2023 si United Nations Special Rapporteur on extrajudicial summary or arbitrary executions Dr. Morris Tidball-Binz.
Ito ay kasunod ng imbitasyon ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Justice (DOJ).
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, inimbitahan ang special rapporteur para sa capacity- building at pagsasanay sa forensic pathologists sa bansa.
Follow-up aniya ito sa napagkasunduan na programa sa UN Joint Programme on Human Rights.
Sinabi ni Remulla na sa ngayon ay dalawa lang talaga ang lehitimo at internationally-accepted na forensic pathologists sa Pilipinas dahil ang nalalabi ay pawang medico- legal experts.
Isa sa mga long term na pakay din ng pag-anyaya sa special rapporteur ay para sa capacity -building sa mga kalamidad.
Inihalimbawa ni Remulla ang nangyari noong Bagyong Yolanda kung saan kinailangan na iproseso ang libu-libong bangkay ng mga biktima.
Nagpuntahan aniya sa bansa noon ang international forensic pathologists para tumulong sa pagsuri sa mga bangkay kasama si Dr. Tidball-Binz.
Samantala, inimbitahan din ng Pilipinas sa bansa ang UN special rapporteur on the sale of children, child prostitutioned, and child pornography.
Gayundin, ang special rapporteur on freedom of expression and media.
Ayon sa kalihim, pinapatunayan nito na bukas ang Pilipinas sa mga suhestiyon ng international community para ma-improve ang human rights situation sa bansa.
Moira Encina