Pilipinas tinutulan ang rekomendasyon ng UN na gawing legal ang abortion, same-sex marriage at diborsyo sa bansa
Hindi sang-ayon sa kultura, paniniwala, at pagkakakilanlan ng mga Pilipino ang nais ng ibang bansa na miyembro ng United Nations na gawing legal ang abortion, diborsyo, at same-sex marriage.
Ito ang iginiit ng Department of Justice (DOJ) sa mga nasabing rekomendasyon sa Pilipinas ng ilang UN member states sa Universal Periodic Review (UPR) ng UN Human Rights Council (UNHRC) sa Geneva, Switzerland.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na hindi pa handa ang Pilipinas sa mga nasabing panukala lalo na’t taliwas ito sa kultura ng mga Pilipino.
Ayon pa sa kalihim, ang nais na ng ibang mga bansa ay i-impose ang mga values o kaugalian nila sa mga Pinoy at ito ay ipilit nila sa lehislatura at hudikatura.
Aniya naging mahaba ang diskusyon nila sa UNHRC ukol sa mga nasabing isyu.
Iginiit ni Remulla na hindi nila maaring tanggapin ang rekomendasyon at ang gusto ng UN member states dahil sa hiwalay ang tatlong sangay ng gobyerno ng Pilipinas.
Inihayag pa ni Justice Undersecretary Raul Vasquez na ipinaliwanag din nila sa UN body na ang karapatang pantao sa Pilipinas ay community-based belief at hindi katulad sa Western countries na ito ay individual matter.
Sa isyu pa ng diborsyo, sinabi ni Remulla na kailangan muna itong masimulan na pagdebatehan ng Dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Aniya ang diborsyo ay legislative matter na hindi puwedeng pangunahan ng ehekutibo.
Moira Encina