DOTr lumagda ng kasunduan para sa libreng public wi-fi sa NAIA at walong iba pang paliparan sa bansa
Magkakaroon na ng libreng public wi-fi sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at walong iba pang paliparan sa bansa.
Ito ay matapos lumagda ang Department of Transportation (DOTr) at Converge ICT Solutions, Inc. ng kasunduan para sa pagkakaloob ng libre na public wi-fi sa mga pangunahing airports sa bansa.
Ang libreng public wi-fi ay accessible sa arrival at departure areas ng NAIA, Francisco Bangoy International Airport (Davao International Airport), Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA), Bacolod-Silay Airport, Iloilo International Airport, Laoag International Airport, Pagadian Airport, Daniel Z. Romualdez Airport (Tacloban City Airport), at Zamboanga International Airport.
Sa ilalim ng kasunduan ay magkakaloob ang fiber broadband network provider ng libre at secure internet service sa loob ng 120 minuto sa isang araw sa bawat registered user.
Nagpahayag naman ng suporta ang Department of Justice (DOJ) sa nasabing inisyatiba para sa mga pasahero sa paliparan.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na prayoridad ng Marcos Administration ang seguridad at convenience ng mga pasahero.
Aniya, umagapay ang DOJ sa pagbibigay ng legal clarity at certainty sa lahat ng stakeholders at partners sa nasabing proyekto.
Moira Encina