Italy nagdeklara ng state of emergency matapos ang nangyaring landslide
Nagdeklara ang Italy ng isang state of emergency sa southern island ng Ischia nitong Linggo, makaraang mamatay ang pito katao habang ilan pa ang nawawala dahil sa nangyaring landslide.
Binagsakan ng putik at mga debris ang maliit na bayan ng Casamicciola Terme noong Sabado ng umaga, na lumamon sa isang bahay at tumangay sa mga sasakyan patungo sa dagat.
Inanunsiyo ni Naples City prefect Claudio Palomba, “The toll of victims from the landslide in Casamicciola has risen to seven dead, while five are missing.”
Sinabi naman ni Minister for Civil Protection Nello Musumeci, na ipinalabas ang unang bahagi ng dalawang milyong euro ($2 million) ng relief funds matapos ang isang emergency cabinet meeting, na nagdeklara sa state of emergency.
Higit 200 rescuers ang naghahanap pa rin sa mga nawawalang katao, habang daan-daang volunteers ang abala naman sa paglilinis sa mga kalsada.
Nahadlangan ng mga pag-ulan at malakas na hangin ang rescue effort, na nagpaantala rin sa mga ferry na may dalang reinforcements mula sa mainland.
Nauna nang nagbabala si Interior Minister Matteo Piantedosi na may mga taong na-trap sa putik, at sinabing ang nangyari ay isang “napakaseryosong” sitwasyon.
Ang malakas na ulan ang sanhi ng pagragasa ng putik sa mga kalye ng Casamicciola Terme, isang spa resort sa hilaga ng Ischia, isang luntiang isla malapit sa Capri na may 8,000 naninirahan at dinudumog ng mga turista kapag summer.
Sa pinakaapektadong lugar sa bayan, hindi bababa sa 30 pamilya ang na-trap sa kanilang tahanan, walang tubig o elektrisidad, at ang mga kalsada ay nahaharangan ng mga putik at debris.
Sinabi ng mga opisyal na inaasahan nilang maililikas at mahahanapan nila ng pansamantalang tutuluyan ang nasa pagitan ng 150 at 200 katao.
Nanawagan naman ang mga lokal na awtoridad sa mga residente ng Ischia, na manatili sa loob ng kanilang tahanan para maiwasang maabala ang rescue operation.
Sa kaniyang artikulo sa isang pahayagan, ay sinabi ng geologist na si Mario Tozzi, “An ‘exponential’ growth of infrastructure sparked by mass tourism ended up ‘stifling all the natural elements of the land’ and covering everything with cement.”
Ang landslide sa Ischia ay nangyari ilang linggo lamang pagkatapos na 11 katao ang mamatay sa malakas na ulan at pagbaha sa gitnang rehiyon ng Marche ng Italya.
© Agence France-Presse