Mahigit 500 benepisyaryo ng 4Ps sa Metro Manila, nagtapos na sa programa
Sa unang pagkakataon mula nang ipatupad ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nagtapos na ang mahigit 500 benepisyaryong pamilya ng programa mula sa NCR.
Sa datos ng DSWD, mula sa mahigit 4 na milyong 4Ps beneficiaries sa bansa ay nasa 200,000 ang mula sa Metro Manila.
Sinabi ni 4Ps National Program Manager Director Gemma Gabuya na ang graduation ng 4Ps beneficiaries ay ang katuparan ng hangarin ng DSWD na mabigyan ng oportunidad ang mga mahihirap na pamilyang Pinoy na makaahon sa kahirapan.
Patunay aniya ito na may nangyayari at pinupuntahan ang pondo na ibinibigay sa DSWD para sa 4Ps.
Hindi naman aniya nangangahulugan na hindi na mahirap ang mga grumadweyt pero may kapasidad na para matugunan ang pangangailangan tulad ng pagkain ng pamilya at edukasyon ng mga anak.
Nilinaw ni Gabuya na kahit nag-exit na sa 4Ps ang mga benepisyaryo ay maaari pa rin silang makatanggap ng tulong mula sa ibang programa ng DSWD at lokal na pamahalaan.
Ang nais aniya ng kagawaran ay magpatuloy ang pag-angat sa buhay ng mga pamilya sa tulong ng LGUs.
Kabilang sa assistance na ibibigay sa graduates ng 4Ps ay ang financial literacy training.
Sa pagtaya ni Director Gabuya ay maaaring 400,000 benepisyaryong pamilya ang maka-graduate na mula sa nasa isang milyon na pinagaaralan ng DSWD na makapagtapos na sa programa.
Moira Encina