Manila City LGU ginunita ang anibersaryo ng kapanganakan ni Andres Bonifacio
Isang tunay na batang Maynila.
Ganito inilarawan ni Manila Mayor Honey Lacuna si Andres Bonifacio sa ika-159 na anibersaryo ng kapanganakan nito.
Pinangunahan ng alkalde ang pagbibigay- pugay ng lokal na pamahalaan ng Maynila kay Bonifacio sa isang seremonya sa bantayog ng bayani sa Tutuban.
Kinilala ni Lacuna ang kabayanihan at katapangan ni Bonifacio na isinilang sa Tondo at ang paninindigan at paglaban nito sa mga mananakop ng bansa sa kabila ng kahirapan.
Nanawagan din ang mayor sa mga Manileño na gawing halimbawa si Bonifacio sa naging pagmamahal nito sa bayan.
Ito ay sa pamamagitan aniya ng pagsunod sa mga batas at pakikipagkaisa sa mga nahalal na mamuno upang makamit ang pag-unlad.
Aniya, ang tagumpay ng gobyerno ay tagumpay ng bayan.
Dumalo at nakiisa rin sa pagdiriwang ng Maynila sa Bonifacio Day ang mga kamag-anak ng Supremo ng Katipunan.
Umaasa si Ginoong Emiliano Distrito na ang mga batang henerasyon ay patuloy na makilala ang mga kabayanihang ginawa ng kaniyang lolo para sa kasarinlan ng bansa.
Moira Encina