Ad interim appointment ni Energy Secretary Rafael Lotilla, lusot na sa CA
Matapos ang tatlong pagdinig, lumusot na sa Commission on Appointment ang Ad Interim appointment ni Energy Secretary Rafael Lotilla.
Pero bago aprubahan ang kaniyang appointment, hiniling ni Sagip partylist representative Rodante Marcoleta na ipagpaliban sa susunod na taon ang pagdinig sa appointment ng kalihim.
Marami pa raw kasi itong hindi nasasagot na isyu lalo na ang posibleng kakulangan ng suplay ng enerhiya dahil magpapaso na ang service of contract ng Malampaya gas project.
Paano rin aniya ito magiging independent kung nanggaling ito sa Aboitiz isa sa mga supplier ng kuryente.
Pero hinarang ito ni Senador Loren Legarda na siyang nagpe- preside sa pagdinig.
Sinabi ni Legarda ngayon mas kailangan ng gobyerno si Lotilla dahil sa mga kinakaharap na problema ng bansa sa enerhiya.
Bukod kay Lotilla, inaprubahan ng C-A ang appointment nina DOST Secretary Renato Solidum, DICT Secretary John Uy at animnapung mga foreign service officers.
Ipinagpaliban naman ng C-A ang pagdinig sa appointment nina Secretary Jaime Bautista ng DOTr, DTI Secretary Alfredo Pascual at Ambassador Manuel Antonio Tehankee bilang representative ng Pilipinas sa World Trade Organization sa Geneva, Switzerland.
Kinapos sa panahon ang CA dahil marami pa raw tanong ang mga mambabatas.
Meanne Corvera