Pondo ng SSS at GSIS hindi na isasama ng Kamara sa Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill
Dahil sa matinding pagtutol ng mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor kumambiyo ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa isinusulong na Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill.
Itoy matapos makipagpulong si House Speaker Martin Romualdez sa mga economic managers ng pamahalaan.
Sinabi ni Speaker Romualdez na hindi na isasama ang pondo ng Social Security System o SSS at Government Service Insurance System o GSIS sa Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill para mawala na ang agam-agam ng mga miyembro na baka malustay ang kanilang kontribusyon.
Ayon kay Romualdez ipapalit sa pondo ng SSS at GSIS sa Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill ang kita ng Bangko Sentral ng Pilipinas.
Batay sa orihinal na probisyon ng Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill ang 275 billion pesos na paunang kapital ay magmumula sa GSIS ang 125 billion pesos, 50 billion pesos sa SSS at tig 25 billion pesos mula sa Land Bank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at National Treasury.
Vic Somintac