Maharlika Sovereign Wealth Fund Bill ,malabong pumasa sa Senado
Imposibleng lumusot sa Senado ang kontrobersyal na Maharlika fund bill.
Itoy kahit tinanggal na ng Kamara ang GSIS at SSS sa maaaring pagkunan ng pondo na ilalagak sa investment o sovereign wealth fund.
Paliwanag ni Senador Aquilino Koko Pimentel walang sobrang revenue o kita ang gobyerno para lumikha ng Sovereign Wealth Fund katunayan ay baon pa aniya sa utang ang Pilipinas.
Hanggang sa katapusan ng Oktubre ngayong taon, aabot na sa 13.64 trillion ang utang ng bansa na lomobo dahil sa pananalasa ng pandemya .
Nauna nang sinabi nina Senador Imee Marcos at Christopher Bong Go na mahihirapang makausad sa Senado ang panukala at kailangang dumaan pa sa mahabang debate .
Para kay Senador Joel Villanueva, kung ipupursige ito ng Kamara, dapat ibigay sa Bangko Sentral ng Pilipinas ang pangangasiwa sa pondo gaya ng ginagawa sa Norway at Timor Leste.
Napatunayan naman na aniya ang pagiging independent ng BSP.
Pero kailangan muna aniyang amyendahan ang charter ng BSP dahil wala ito sa kanilang mandato.
Meanne Corvera