Japanese dengue vaccine, inaprubahan na ng EU
Sinabi ng Japanese pharmaceutical company na Takeda na binigyan na ng go signal ng European Union (EU), ang kanilang bakuna laban sa dengue fever.
Ito na ang ikalawang bakuna laban sa dengue fever na inaprubahan ng EU bloc.
Ayon sa world health organization (who), ang dengue na dala ng lamok ay maaaring magdulot ng hemorrhagic fever at makahawa sa tinatayang 100 hanggang 400 milyong tao taun-taon, bagama’t higit sa 80% ng mga kaso ay banayad o walang sintomas.
Sinabi ng Takeda Pharmaceutical na ang bakuna nito, na ibinebenta bilang Qdenga, ay binigyan ng regulatory approval ng European Commission noong Huwebes para sa mga taong may edad apat pataas, anuman ang kanilang history sa pagkakalantad sa virus.
Ang isa pang bakuna laban sa dengue, ang Dengvaxia na siyang kauna-unahan sa mundo laban sa naturang sakit ay available na sa European Union, ngunit para lamang ito sa mga naunang nakumpirmang impeksyon o dati nang dinapuan ng dengue.
Naging paksa ng kontrobersiya ang Dengvaxia noong 2019 nang ipagbawal ito ng Pilipinas dahil sa safety issue, na itinanggi naman ng French pharmaceutical giant na Sanofi na siyang gumawa ng bakuna.
Ang Qdenga ay inaprubahan sa Indonesia sa mga unang bahagi ng taong ito, para sa mga nasa edad anim pataas.
Ayon sa who, ang bilang ng mga naiulat na kaso ng dengue ay tumaas ng higit sa walong beses sa nakalipas na dalawang dekada, at sinabing halos kalahati ng populasyon ng mundo (ay) nasa panganib na ngayon.
© Agence France-Presse