CAAP bumuo na ng team na mag-iimbestiga sa power outage sa air traffic management center nito
Iimbestigahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang sanhi ng electrical problem sa air traffic management center nito na nagdulot ng pagkaparalisa ng air space ng bansa noong Enero 1.
Sinabi ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio na ang Aerodrome and Air Navigation Safety Oversight Office (AANSOO) ang inatasan na alamin ang main cause ng aberya sa power supply ng sistema.
Ayon kay Apolonio, nagkaproblema ang uninterruptible power supply (UPS) ng air management system at maging ang backup power supply ay hindi rin gumana.
Sa tala ng Manila International Airport Authority (MIAA), nasa 400 flights at 64,000 pasahero sa NAIA ang naapektuhan ng technical issue noong Linggo.
Inamin ng MIAA na hindi na muna nila inanunsiyo agad ang kanselasyon ng mga flight dahil umaasa sila na maisasaayos ang aberya noong Linggo.
Binigyang- diin naman ni MIAA General Manager Cesar Chiong na para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ang desisyon para ihinto at isara ang airspace.
Kasama mga naapektuhan ang ilang OFWs na umuwi sa bansa para magbakasyon.
Ang ilan sa mga ito ay natulog na lang sa sahig ng NAIA Terminal 3 dahil sa sobrang pagod at puyat sa biyahe.
Bukod sa na-delay ang biyahe nila pabalik ng bansa ay hindi pa rin sila tuluyang makauwi sa kanilang probinsya dahil kanselado o delayed ang ilang domestic flights.
Noong Lunes, Enero 2 ay umaabot sa 75 flights ang kanselado bunsod pa rin ng nangyaring aberya.
Sa abiso na inilabas ng MIAA, pitong international flights at 68 domestic flights ang hindi natuloy ang biyahe nitong Lunes.
Partikular sa mga airlines na may cancelled flights ang Philippine Airlines at Cebu Pacific.
Moira Encina