NTC bumuo ng Task Force na tututok sa proseso ng SIM Card Registration
Para masiguro ang maayos na implementasyon ng SIM Registration Law, bumuo ang National Telecommunications Commission ng isang Task Force.
Sa direktiba ni NTC OIC Commissioner Ella Blanca Lopez, inaatasan ang Task Force na bantayang mabuti ang proseso na ginagawa ng mga public telecommunication entities (PTEs) para maipatupad ang SIM Registration Act at IRR nito.
Pinatututukan rin ang mga ginagawang hakbang ng mga telco upang matugunan ang mga isyu at problemang kaugnay nito.
Sa natanggap na report ng NTC mula sa mga telco, nakasaad na may 1,769,374 Globe subscribers na ang nakapagparehistro, sa Smart naman ay mayroong 1,019,207 subscribers at ang DITO ay 530,424 subscribers.
Ayon kay Lopez, ang Sim Registration ay kasama sa prayoridad ng Marcos administration para maprotektahan ang publiko sa mga scam at iba pang iligal na aktibidad.
Nagpasalamat naman si Lopez sa mga ahensya ng gobyerno, PTEs, consumer groups at ang publiko sa pakikipagtulungan para sa SIM Registration.
Una rito, pinawi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang pangamba ng publiko at tiniyak na ang mga impormasyon ay hindi magagamit sa state surveillance.
Narito ang mga link kung saan maaaring magparehistro ng SIM:
- ditto.ph/RegisterDITO (DITO)
- new.globe.com.ph/simreg (GLOBE)
- smart.com.ph/simreg (SMART)
Madelyn Villar – Moratillo