Anim na umano’y miyembro ng CPP- NPA, inirekomenda ng DOJ na kasuhan sa korte ng murder at paglabag sa Anti- Terrorism Law
Nakitaan ng sapat na ebidensya ng DOJ panel of prosecutors para kasuhan sa korte ang anim na indibiduwal na sinasabing miyembro ng CPP- NPA.
Ayon sa DOJ, sasampahan ng mga kasong murder at paglabag sa Sections 4(a) at 4(d) ng Anti- Terrorism Law sina Isagani Isita alyas Yano/Toyang/Sid, Junalice Arante-Isita alyas Juna/Irene/Erin/Arya/Fabian, Mariano Bico alyas Nick/Jim/Adonis/Melay, Gilbert Orr alyas Nash/Jade/Art, isang alyas Joey/Elon/Edel/Analinda/Jorel/Jonas, at isang alyas Ching/ Marcel/Allen/ Jane/ Daniel.
Ang respondents ay positibong kinilala na mga miyembro ng Southern Tagalog Regional Party Committee ng CPP- NPA.
Nag-ugat ang reklamo sa pag-atake ng anim sa mga miyembro ng Delta Company ng 59th Infantry Batallion ng Philippine Army noong July 18, 2022 sa Sitio Amatong sa Taysan, Batangas.
Nagsasagawa ng focused military operations ang mga sundalo nang makaengkuwentro ang respondents.
Sugatan sa armadong pag-atake ang isang sundalo.
Namatay din sa insidente ang sibilyan na isang siyam na taong gulang na bata.
Sinabi ng DOJ na armado ang respondents ng iba’t ibang baril gaya ng M16 rifles, shotgun, at long high-powered firearms, mga bala, at improvised blasting machine.
Narekober naman sa lugar ng engkuwentro ang iba’t ibang armas, ammunitions, mga pampasabog, at subversive materials.
Ang kaso laban sa anim ay ihahain ng DOJ sa Batangas Regional Trial Court.
Moira Encina