Mahigit isang libong kaso na may kaugnayan sa overspending ibinasura ng COMELEC
Aabot sa higit isang libong hindi naresolbang kaso na may kaugnayan sa overspending noong 2010 at 2013 elections ang ibinasura na ng Commission on Elections.
Sa resolusyon ng Comelec, nakasaad na inadapt ng komisyon ang rekumendasyon ng Law Department na i-dismiss ang mga naturang kaso.
Ito ay bilang pagkilala sa constiturional right ng isang akusado sa “speedy disposition” ng kaso.
Ginamit na basehan rito ang desisyon ng Korte Suprema sa Peñas vs Comelec kung saan nasita ang poll body dahil sa inabot ng 6 na taon bago nadesisyunan ang kaso laban kay dating Digos City Mayor Joseph Peñas.
Para sa mga may kaugnayan sa 2010 elections, 437 overspending cases at 51 na nakabinbin pa ang motion for reconsideration ang ibinasura.
Para naman sa 2013 elections, 489 overspending cases na nakapending pa for preliminary investigation at resolution at 47 na may nakabinbing MR ang ibinasura rin ng poll body.
Tiniyak ni Comelec Chairman George Garcia ang mabilis na pagdedesisyon ng poll body sa iba pang nakapending na kaso sa kanila.
Madelyn Villar – Moratillo