DOTr pinag-aaralan ang panukalang lumikha ng hiwalay na tanggapan para sa air traffic management ng bansa
Naniniwala ang Department of Transportation (DOTr) na panahon na para isulong ang pagkakaroon ng Pilipinas ng hiwalay na ahensya na magpapatakbo sa Communication, Navigation and Surveillance (CNS) ng air traffic management systems nito.
Ito ang inihayag ni Transportation Undersecretary Roberto Cecilio Lim matapos ang inspeksyon ng Governance Commission for GOCC (GCG) sa air traffic management center ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) sa Pasay City.
Sinabi ni Lim na ang CNS ay magiging hiwalay na tanggapan sa CAAP.
Inihalimbawa ni Lim ang Indonesia na may hiwalay na CNS.
Isa aniya sa mga layon nito ay matiyak na ligtas ang air space ng bansa at maprotektahan ang karera ng air traffic controllers at ng iba pang mga eksperto.
Aminado and DOTr at CAAP na madaming Pinoy air traffic controllers at technicians ang napipirata ng ibang bansa dahil sa mas mataas ang alok na sahod sa mga ito.
Kabilang din sa mga pinag-aaralan ng DOTr ay ang pagsasapribado o kaya ay semi-privatization ng CAAP.
Ayon sa opisyal, nagpapatuloy pa ang pag-aaral ukol sa mga nasabing rekomendasyon at modelo.
Sa oras na ito ay matapos aniya ay isusumite nila ang kanilang rekomendasyon.
Nilinaw ni Lim na bago pa man ang nangyaring aberya sa air traffic system ay matagal nang tinitingnan ang mga nasabing opsyon.
Moira Encina