CAAP iginiit na walang pagkukulang sa maintenance ng air traffic center; subsidiya mula sa national gov’t, inihirit
Nanindigan ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na wala itong naging pagkukulang sa maintenance ng air traffic management center nito.
Ito ang inihayag ni CAAP Director General Manuel Antonio Tamayo matapos ang inspeksyon ng Governance Commission for GOCC (GCG) sa pasilidad.
Ayon kay Tamayo, sumasailalim sa arawan, lingguhan at buwanan na pagsusuri ang mga kagamitan sa air traffic center nito.
Aniya walang sinuman ang may gusto na mangyari ang insidente pero naganap pa rin sa kabila ng maintenance at proficiency ng mga tauhan ng CAAP.
Layon ng on-site inspection ng GCG na mabatid ang tunay na pangyayari noong Bagong Taon na nakaapekto sa libu-libong pasahero sa mga paliparan.
Bahagi rin ito ng evaluation ng GCG sa mga government owned or controlled corporations gaya ng CAAP.
Ininspeksyon ng GCG ang buong pasilidad mula sa equipment room hanggang control room.
Sinabi ni GCG Commissioner Gideon Mortel na cooperative naman ang CAAP at handa na ibigay ang mga hinihingi nilang impormasyon.
Kasabay nito, umaasa naman si Tamayo na mabibigyan sila ng subsidiya ngayong taon ng nasyonal na pamahalaan dahil limitado ang corporate operational budget ng CAAP.
Kakailanganin aniya nila ng dagdag na pondo para mapanatili ang kaayusan sa mga kagamitan at masiguro ang kaligtasan ng air traffic at navigation ng bansa.
Moira Encina