Pagtuturo ng saligang batas sa high school students isinusulong sa Senado
Isinusulong ng isang Senador na maging bahagi na ng curriculum sa high school ang pagtuturo ng saligang batas ng Pilipinas.
Ito’y para itaas ang antas ng kamalayan ng mga kabataan sa kanilang mga karapatan at magkaroon ng pagpapahalaga sa kasaysayan ng bansa.
Naghain na si Senador Jinggoy Estrada ng Senate Bill 1443 o Mandatory Constitutional Education Act na layong saklawin na ang pag-aaral ng saligang batas sa curriculum ang mga junior at senior high school.
Ayon sa Senador, dapat maituro ang saligang batas para palawakin ang pang-unawa ng mga kabataan ukol sa konstitusyon na magagamit sa kanilang mga pagsusuri at pag-aanalisa sa mga pampublikong isyu.
Pero kailagan aniyang alinsunod sa mga pamantayan at prinisipyo ng Enhanced Basic Education curriculum na nakasaad sa Republic Act 10533.
Sa panukala ng Senador, makikipagtulungan ang Department of Education sa mga ahensiya ng gobyerno at mga eksperto sa saligang batas mula sa hanay ng mga nasa akademya para itatag ang nasabing kurso at imandato rin ang pagsasanay ng mga guro sa pagtuturo.
Meanne Corvera