Reklamo sa Sim card registration nabawasan na ayon sa CICC at DICT
Matapos ang halos dalawang linggo mula ng ipatupad ang Republic Act 11934 o Sim Card Registration Act tuluyan ng nabawasan ang bilang ng mga negrereklamo.
Ito ang inihayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC kasama ang Department of Information and Communications Technology o DICT.
Inihayag ni National Telecommunications Commission o NTC Officer in Charge o OIC Commissioner Atty. Ela Bianca Lopez na mayroon ng ginawang koordinasyon sa mga Telcos at Local Government Units o LGUs sa pamamagitan ng Department of Interior and Local Government o DILG para matukoy ang mga malalayong lugar na may mahinang signal ng internet at cellphone para sa isasagawang sim card registration.
Nagbigay naman ng babala si DICT Undersecretary Atty. Mae Lamentillo na mahaharap sa criminal liabilities ang mga gagamit ng maling identification sa sim card registration dahil ang layunin ng batas ay protektahan ang mga subscribers sa anomang cybercrime.
Batay sa record ng DICT umabot na sa mahigit 16 milyon ang nakapagrehistro ng kanilang sim card mula sa mahigit 168 milyong subscribers ng Smart, Globe at Dito.
Vic Somintac