Mga sangkot sa malawakang smuggling ng Agricultural commodities sa bansa pinangalanan na at pina- subpoena sa imbestigasyon ng Kamara
Hiniling ngayon ni Sultan Kudarat 2nd District Congressman Horacio Suansing Jr. sa House Committee on Ways and Means na pinamumunuan ni Albay Congressman Joey Salceda na padalhan ng subpoena ang mga brokers, importers at facilitators sa Bureau of Customs o BOC na umanoy sangkot sa malawakang smuggling ng mga agricultural products sa bansa.
Sinabi ni Suansing ito ang dahilan kaya niya inihain kasama si Nueva Ecija 1st District Congresswoman Mikaela Angela Suansing ang House Resolution 311 na naglalayong magsagawa ang Kamara ng imbestigasyon in aid of legislation kaugnay ng talamak na smuggling ng mga agricultural products na pumapatay sa mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Suansing kabilang sa ipinupuslit sa bansa ng sindikato ng smuggling ay ang bigas, asukal, sibuyas at sigarilyo.
Inihayag ni Suansing malaking epekto ng agricultural product smuggling sa mga lokal na magsasaka, consumers at sa gobyerno na nalulugi ng bilyong-bilyong pisong hindi nakokolektang buwis.
Vic Somintac