Pilipinas iaapela ang pag-apruba ng ICC na muling imbestigahan ang drug war killings sa bansa
Lahat umano ng mga legal na remedyo ay gagawin ng gobyerno ng Pilipinas para kontrahin ang pag-otorisa ng Pre Trial Chamber ng International Criminal Court (ICC) sa pagpapatuloy muli ng imbestigasyon sa drug war killings.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, iaakyat nila sa appeals chamber ng ICC ang isyu.
Sa ngayon aniya ay hindi pa nila natatanggap ang opisyal ng kopya ng resolusyon ng ICC.
Pero nakatanggap na sila ng impormasyon na pinayagan ng ICC Chamber ang hiling ni ICC Prosecutor Karim Khan na buksan muli ang drug war probe.
Iginiit ni Guevarra na ang sariling imbestigasyon at judicial processes ng Pilipinas ang dapat na manaig.
Binigyang- diin ng solicitor general na sa kabila ng mga limitasyon sa resources ay gumagana ang sistema ng bansa at ito ay magbubunga ng positibong resulta.
Moira Encina