Walong Pinoy kumpirmadong nasa kustodiya ng Myanmar police dahil sa immigration violations
Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nagpapatuloy ang koordinasyon at representasyon sa walong Pilipino na kumpirmadong na nasa kustodiya ng pulisya sa Myawaddy sa Myanmar.
Sinabi ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na ito ay dahil sa sinasabing paglabag sa immigration ng mga Pinoy.
Ayon kay Daza, aktibo at regular ang pakikipag-ugnayan ng Philippine Embassy in Yangon sa mga otoridad ng Myanmar sa Nay Pyi Taw at Myawaddy.
Ito ay para masiguro aniya ang seguridad at kapakanan ng mga Pinoy at matulungan ang mga ito na makauwi sa bansa sa lalong madaling panahon.
Nagbigay naman aniya ng katiyakan ang Myanmar authorities na sila ay makikipagtulungan.
Inihayag pa ni Daza na inaasahan na makakaalis sa Myanmar ang mga nasabing Pilipino pauwi ng Pilipinas sa oras na makumpleto ang mga proseso ng law enforcement agencies pangunahin na ang immigration.
Una nang kinumpirma ng DFA ang pagkakaaresto sa Pinay tourist na si Kiela Samson habang namamasyal sa Myawaddy.
Moira Encina