Problema sa mental health sa Pilipinas lumala pa
Lumala pa raw ang problema sa mental health sa Pilipinas dahil sa hirap ng buhay .
Ayon kay Senador Koko Pimentel, hindi nakapagtataka ang inilabas na impormasyon ng Department of Education na aabot sa 404 ang kaso ng mga kabataang nagpakamatay habang mahigit dalawang libo pa ang nag-attempt ng suicide.
Sinabi ni Pimentel na hindi lang naman sa mga kabataan kundi sa ordinaryong Pilipino ay nagkaroon ng problema sa mental health.
Apektado kasi aniya ang mga ito ng kahirapan ng buhay.
Kailangan ayon sa Senador na mahigpit na maipatupad ang batas sa mental health para tulungan ang mga biktima na nakararanas ng depression.
Maari rin aniyang gumawa ng programa ang mga eskwelahan para magbigay ng incentives at scholarship lalo na sa mga kabataang walang pera pero nais ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Noong 2018, ipinasa ng kongreso ang Republic Act 11036 o Philippine Mental Health Law para protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga taong nakararanas ng problema sa mental health.
Sa pamamagitan ng batas magkakaroon na ang mental health services sa mga baranggay, mga regional at tertiary hospital.
Sa pamamagitan yan ng pagbibigay ng psychiatric at psychosocial services.
Sabi ni Pimentel may nakalaan namang pondo para dito sa ilalim ng 2023 National budget pero kailangan maigting itong ipatupad ng mga eksperto para tulungan ang sinumang nakararanas ng depresyon.
Meanne Corvera