Mga ido-donate na bivalent vaccine para sa Pilipinas nadagdagan pa
Kahit hindi muna prayoridad ng gobyerno ang pagbili ng bivalent COVID-19 vaccines, may 1.3 milyong doses nito ang inaasahang darating sa bansa.
Ayon kay Department of Health OIC Maria Rosario Vergeire, ang 1 milyon rito ay donasyon mula sa Covax facility na inaasahang darating sa bansa sa katapusan ng Marso.
Ang pinakabago aniya ay ang isa pang bansa na nangakong magbibigay ng 300 libong doses ng bivalent vaccine sa Pilipinas.
Hindi naman muna pinangalanan ni Vergeire ang nasabing bansa dahil isinasapinal pa ang kasunduan hinggil sa naturang donasyon.
Una nang sinabi ng DOH na prayoridad nilang mabigyan ng naturang mga bakuna ang mga healthcare workers, senior citizens, at persons with comorbidities.
Ang bivalent vaccines ay mga second-generation vaccines na ang target ay Omicron variants ng COVID-19 na syang pinaka-kalat ngayon sa buong mundo.
Madelyn Villar – Moratillo