Mga midwife sa buong bansa umaangal sa pinahigpit na patakaran ng DOH sa pagpapractice ng kanilang propesyon
Umapela ang Integrated Midwives Association of the Philippines o IMAP sa Department of Health o DOH na luwagan ang patakaran hinggil sa pag-practice ng midwifery profession sa bansa.
Sa isang pulong balitaan sinabi ni Patricia Gomez Executive Director ng IMAP na mayroong mga department order at administrative order na inilabas ang DOH na nagiging pahirap at hadlang sa mga midwives sa pagtupad ng kanilang tungkulin.
Ayon kay Gomez partikular na nagpapahirap sa midwives ang Department Circular Number 5 na nilagdaan ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje na nagbabawal sa mga midwives na magpaanak ng first born at fifth child dahil ito ay itinuturing na high risk pregnancy.
Inihayag ni Gomez nagpapahirap din sa kanilang hanay ang Administrative Order Number 22 na inilabas ni dating Health Secretary Francisco Duque III na nagtatadhana ng lalo pang pinahigpit na regulasyon sa pagbibigay ng License To Operate sa mga Lying In na kalimitang minimintina ng lisensiyadong Midwife.
Nanawagan din si Gomez sa Chairman ng Senate Committee on Health at House Committee on Health na tingnan ang Midwifery Law upang maisagawa ang kinakailangang amendments sa batas para maisaayos ang midwifery profession sa bansa.
Vic Somintac