Lula, bumisita sa disaster zone sa Brazil na sinalanta ng baha
Nilibot ni Pangulong Luiz Inacio Lula da Silva, ang isang resort region na naging disaster zone kung saan ang malakas na pag-ulan ay pumatay ng hindi bababa sa 40 katao, habang dose-dosena ang nananatiling nawawala.
Nagkumahog ang mga rescue worker na mahanap ang sinumang nakaligtas na nabaon sa putik at mga durog na bato pagkatapos ng 24 na oras na pag-ulan nitong weekend, na nagdulot ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa na puminsala sa lugar sa paligid ng sikat na beach city ng Sao Sebastiao, humigit-kumulang 200 kilometro (120 milya) sa timog-silangan ng Sao Paulo.
Ipinangako ni Lula ang suporta ng federal government para sa reconstruction efforts, at umapela na ihinto na ang pagtatayo sa mga mabababang lugar at mga dalisdis ng burol na madaling maapektuhan ng mga ganitong sakuna, na madalas mangyari sa Brazil.
Sinabi ng 77-anyos na leftist leader, “It’s important for people not to build more houses in places that could fall victim to more rains and landslides that claim yet more lives.”
Tinatayang 9.5 milyon sa 215 milyong katao ng Brazil ang nakatira sa mga lugar na may mataas na peligro ng pagbaha o pagguho ng lupa.
Sinabi ng Sao Paulo state government, na hindi bababa sa 40 ang nasawi sa Sao Sebastiao, na ang isa rito ay isang batang babae mula sa siyudad ng Ubatuba.
Ayon kay Sao Paulo rescue department official Michelle Cesar, dose-dosenang iba pa ang hindi pa natatagpuan.
Sinabi ng mga awtoridad na higit 1,700 katao ang inilikas, habang 766 ang nawalan ng tahanan.
Ang sakuna ay nangyari habang ang Brazil ay nagdiriwang ng kanilang carnival weekend, kung saan maraming mga turista ang nagtutungo sa Sao Sebastiao at mga lugar sa paligid nito.
Ayon sa mga awtoridad, 600 milimetro o halos 24 na pulgadang ulan ang bumagsak sa Sao Sebastiao sa loob ng 24 na oras, higit na doble kaysa karaniwang dami ng bumabagsak na ulan sa buong buwan ng Pebrero.
Si Governor Tarcisio de Freitas, na nakipagkita kay Lula sa disaster zone, ay nagdeklara ng isang state of emergency sa limang bayan sa kahabaan ng baybayin, at nagpalabas ng katumbas ng $1.5 milyon para sa rescue operations.
Ang Brazil ay tinamaan ng sunud-sunod na mga sakuna na may kaugnayan sa lagay ng panahon sa mga nakaraang taon, na ayon sa mga eksperto ay malamang na pinalala ng climate change.
Ang pinakahuling trahedya ay nangyari halos eksaktong isang taon matapos masawi ang higit sa 230 katao, dahil sa malakas na ulan at landslides sa southeastern city ng Petropolis.
© Agence France-Presse