DOJ iniutos na ibaba ang halaga ng piyansa para sa mahihirap na akusado
Ibinaba ng Department of Justice (DOJ) ang piyansa para sa mahihirap na litigants na bailable ang kaso.
Sa dalawang pahinang department circular ni Justice Secretary Crispin Remulla, ipinagutos sa mga piskal na ikonsidera ang pinansiyal na kakayanan ng mga akusado sa irirekomenda na piyansa kapag inihain ang kaso sa korte.
Kapag may nakitang probable cause ang piskal para kasuhan sa korte ang mahirap na respondent ay dapat na itakda lang nito sa P10,000 ang piyansa o kalahati ng recommended bail.
Sinabi ni Remulla na layon nito na magkaroon ng pagkakataon ang mga kapos sa buhay na bailable naman ang kaso na makapagpiyansa.
Inihayag pa ng kalihim na “inhuman” at pagsagka sa karapatan ng tao ang prohibitive na bail system.
Batay din aniya sa pag-aaral at obserbasyon ng DOJ, karamihan sa mga nakakulong sa mga piitan ay ang mga mahihirap na puwede naman sana makapagpiyansa.
Ang pagbaba sa piyansa ay para na rin aniya makatulong sa pagpapaluwag sa mga kulungan sa bansa na 300% hanggang 1000% nang overpopulated.
Ayon pa sa kalihim, ang bail reduction ay isa lamang sa mga reporma na ipatutupad ng DOJ sa sistema ng hustisya para maging patas ang batas para sa lahat.
Nitong Martes ng hapon ay nagtungo sa DOJ at nakaharap ni Remulla ang ilang mahistrado ng Korte Suprema kung saan pinagusapan ang mga kinakailangan na komprehensibong reporma sa criminal justice system ng bansa.
Ang DOJ at Supreme Court ay bahagi ng Justice Sector Coordinating Council.
Moira Encina