Dalawang money service firms, diniskuwalipika ng BSP
Pinatawan ng diskuwalipikasyon ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang dalawa pang establisyimento na nag-o-operate bilang money service businesses (MSB) nang walang lisensya.
Nabatid ng BSP na hindi rehistrado bilang MSB ang Kidlat Fast Cash Inc. at ang Tong’s Money Changer.
Ang Kidlat Fast Cash ay may business address sa Dumaguete City, Negros Oriental habang ang Tong’s Money Changer ay sa Panglao, Bohol.
Diniskuwalipika ang dalawa alinsunod sa Manual of Regulations for Non-Bank Financial Institutions.
Ang diskuwalipikasyon ay nangangahulugan na hindi na puwedeng magrehistro o kumuha ng lisensiya mula sa BSP ang nasabing entities at ang kanilang owners at operators.
Sinabi ng central bank na ito ay bahagi pa rin ng mga hakbangin nito para matugunan ang pagkalat ng mga hindi otorisadong money services firms.
Moira Encina