Mga flight patungong Moldova, sinuspinde ng Wizz Air sa gitna ng mga alalahanin sa seguridad
Inanunsyo ng Hungarian budget airline na Wizz Air, na sususpendihin nito ang lahat ng kanilang byahe mula at patungo sa Moldova dahil sa security concerns na iniuugnay sa tumitinding tensyon sa Russia.
Sa isang pahayag ay sinabi ng grupo, “Due to recent developments and the high, though not imminent, risk in the country’s airspace, Wizz Air has taken the difficult but responsible decision to suspend all its flights to Chisinau as of March 14.”
Ang Moldova, isang pro-European republic na may 2.6 na milyong katao at nasa pagitan ng Romania at Ukraine, ay nangangamba na maaaring sila na ang susunod na maging target ng Russia, mula nang ilunsad nito ang kanilang opensiba sa Ukraine isang taon na ang nakalilipas.
Nitong nagdaang mga linggo, ang EU-candidate nation ay nag-ulat ng “destabilisation attempts.”
Ang kanilang teritoryo ay ilang ulit na ring tinamaan ng debris mula sa giyera sa Ukraine, at paminsan-minsan ay isinasara ng Moldova ang sarili nitong airspace sa panahon ng giyera sa Ukraine.
Dumanas din ang Moldova ng energy blackouts matapos ihinto ng Ukraine ang pag-e-export ng elektrisidad dahil sa airstrikes ng Russia sa kanilang “critical infrastructure.”
Ang Wizz Air ang unang airline na nag-anunsyo ng suspension ng flights.
Dalawang linggo na ang nakalilipas, inakusahan ng pangulo ng Moldova na si Maia Sandu ang Russia, na balak nitong marahas na pabagsakin ang pro-European leadership ng bansa sa tulong ng mga saboteur na nagpapanggap na government protesters.
Itinanggi naman ng Moscow ang paratang.
Sinabi ng infrastructure ministry ng Moldova, na ikinalungkot nito ang desisyon ng Wizz Air, kung saan tiniyak nito sa kaniyang pahayag na ang mga byahe ay maaring maisagawa naman ng ligtas kung isasaalang-alang ang mga procedure.
Ang Romanian national airline na Tarom, Air Moldova, at Turkish Airlines ay patuloy ang byahe patungo sa Moldovan capital.
© Agence France-Presse