Mga panuntunan sa joint patrols sa West PH Sea, binubuo na ng DFA
Sinimulan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pagbuo ng mga panuntunan sa pagsasagawa ng combined marine activities sa West Philippine Sea.
Kabilang na rito ang guidelines sa joint patrols ng Pilipinas sa ibang mga bansa sa WPS.
Ito ang kinumpirma ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza kasunod ng pahayag ng Australian Embassy na ongoing na ang pag-uusap ng Pilipinas, US, Australia, at Japan sa joint patrols sa international waters.
Ayon kay Daza, magiging parte ng pag-uusap ng Pilipinas at Amerika ang operational details at ang posibilidad ng pagsama sa ibang mga bansa sa joint patrols.
Ang mga diskusyon aniya ay nakapaloob sa framework ng Mutual Defense Board-Security Engagement Board.
Walang ibinigay na detalye ang opisyal kung anu-anong bansa ang kasama at saan ang lokasyon ng pagpapatrolya.
Moira Encina