Mga suspek sa pagkamatay ni Salilig, naiyak umano sa pagharap sa DOJ
Napaiyak umano ang ilan sa mga suspek sa pagkamatay ng Chemical Engineering student na si John Matthew Salilig nang humarap ang mga ito sa piskalya sa DOJ.
Ang anim na fratmen ay sinampahan ng mga reklamong paglabag sa Anti- Hazing law sa DOJ.
Sinabi ni Laguna PNP Provincial Director PCol. Randy Glenn Silvio na tila pinagsisisihan ng ilan sa mga suspek ang pagkakasangkot sa pagpanaw ni Salilig na hinihinalang bunsod ng hazing matapos na maiyak sa inquest proceedings.
Naniniwala si Silvio na sa oras na litisin sa korte ang kaso laban sa mga ito ay makikipagtulungan o ilalahad din ng mga ito ang tunay na pangyayari.
Ang isa sa anim ay una nang nagsumite ng extra judicial confession.
Nilinaw naman ni Silvio na may sariling pribadong abogado ang mga nasabing suspek.
Inihayag pa ng opisyal na may ilan na rin na kampo ng persons of interest ang dumudulog sa tanggapan ng pulisya at nagpahiwatig na susuko rin.
Moira Encina