NBI iniimbestigahan na rin ang hazing case sa Cebu City
Pumasok na rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon sa isa pang pagkamatay ng isang estudyante sa Cebu City na sanhi rin umano ng hazing ng Tau Gamma Phi.
Sinabi ni DOJ Spokesperson Mico Clavano na bukod sa kaso ni John Matthew Salilig ay iniimbestigahan na rin ng NBI ang pagpanaw ng University of Cebu student na si Ronnel Baguio noong Disyembre 2022.
Ayon kay Clavano, sabay na iniutos ni Justice Secretary Crispin Remulla sa NBI ang pagsasagawa ng parallel investigation sa mga kaso nina Salilig at Baguio.
Aniya, may mga natanggap ang DOJ na ulat at kahilingan para maimbestigahan ang kaso ni Baguio.
Ang NBI Regional Office 7 ang nagsasagawa ng imbestigasyon sa pagpanaw ng Cebu student.
Una na ring hiningi ng pamilya Baguio ang tulong ng Public Attorneys’ Office (PAO) para hawakan ang kaso.
Sa death certificate, sinabi na nagtamo si Ronnel ng mga pinsala sa baga at kidney.
Samantala, sinabi ni Clavano na bukas naman ang DOJ na mag-isyu ng legal opinion ukol sa pagbibigay ng ngipin sa Anti – Hazing law.
Moira Encina