Tatlo sa mga suspek sa pagpatay kay Gov. Roel Degamo at walong iba pa, sinampahan na ng mga reklamong multiple murder sa piskalya
Isinailalim na sa inquest proceedings sa mga piskalya ang tatlo sa mga suspek sa pagpaslang Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Ito ang inanunsiyo ng DOJ at DILG sa ipinatawag nito na presscon kaugnay sa pagpatay sa gobernador.
Sa inquest sa Negros Oriental Provincial Prosecutors’ Office, sinampahan ng reklamong multiple murder ang tatlong suspek na kinilalang sina Joven Javier, Benjie Rodriguez, at Joric Labrado.
Bukod dito, ipinagharap din ang tatlo ng mga reklamong illegal possession of firearms, ammunitions, and explosives sa Bayawan City Prosecutors’ Office.
Samantala, inanunsiyo rin ng DOJ na ikinukonsidera na ilagay sa Witness Protection Program (WPP) ang dalawa sa tatlong suspek.
Ayon kay DOJ Spokesperson Mico Clavano, susuriin ng kagawaran ang salaysay ng dalawa para madetermina kung sapat ito para maipasok sila sa WPP.
Aniya, ang DOJ ang nagrekomenda na maghain ng aplikasyon ang dalawa sa WPP dahil “cooperative” naman ang mga ito.
Kaugnay nito, inihayag ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty na makikipa-ugnayan sila sa PNP at DILG para paglipat sa NCR ng mga respondent para sa protective custody.
Moira Encina