Electronic Congress inilunsad na ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso
Pormal nang inilunsad ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Electronic Congress o E-Congress.
Ang E-Congress ay isang digital legislative management system na naglalayong pabilisin ang trabaho ng legislative secretariat at gawing mas accessible sa publiko ang mga impormasyon kaugnay ng mga panukalang batas, Congressional resolutions na inihain at napagtibay ng plenaryo ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Pinangunahan nina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo na kumatawan kay House Speaker Martin Romualdez ang launching ng E-Congress sa dating Session Hall ng Senado sa National Museum Building sa Lungsod ng Maynila.
Sina House Secretary General Reginald Velasco at Senate Secretary General Renato Bantug Jr., ang lumagda sa memorandum of agreement sa pagitan ng Senado at Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Sa mensahe ni Senate President Zubiri ang E-Congress ay simula na ng transition ng dalawang Kapulungan ng Kongreso sa paperless transaction.
Ayon naman sa mensahe ni Speaker Romualdez na binasa ni Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang E-Congress ay tugon ng Kongreso sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na digitization, harmonization at pag iisa ng mga records at transaksyon ng lahat ng ahensiya ng gobyerno.
Naniniwala ang liderato ng dalawang kapulungan ng Kongreso na ang E-Congress ang pinakamabisang panlaban sa mga fake news.
Vic Somintac