Pinakamalaking Earth hour 2023 celebration , isasagawa sa Quezon City Memorial Circle sa March 25
Bilang kinikilalang nangungunang lungsod sa climate action pangungunahan ng Quezon City Government ang pinakamalaking Earth Hour celebration sa bansa sa March 25 ng taong kasalukuyan.
Ang 2023 Earth Hour ay lalahukan ng 7,000 na siyudad mula sa 193 na mga bansa sa buong mundo.
Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagsali ng lungsod ng Quezon sa Earth Hour ay pagpapakita ng buong suporta sa paglaban sa climate change para mapanatiling malinis ang kapaligiran.
Ayon kay Belmonte ang Quezon City Government ay patuloy na nakikipagtulungan sa World Wide Fund o WWF for nature at Earth Hour para maipalaganap ang kamalayan ng bawat indibiduwal sa pagpreserba sa kapaligiran at kalikasan.
Inihayag ni Mikee Cojuanco Jaworski Earth Hour Ambassador na mahalaga ang pagkakaisa ng sangkatauhan laban sa climate change dahil ang damage sa kalikasan at kapaligiran ay malala na.
Niliwanag ni Mikee na ang matinding pumipinsala sa mundo ay ang hindi masawatang carbon emission mula sa mga mauunlad na lungsod.
Sinabi naman ni Ginoong Ludwig Federigan Climate Change Commission Representative na mahalaga ang awareness ng lahat sa kalagayan ng mundo dahil sa masamang dulot ng climate change.
Ayon kay Federigan isa sa malalang dulot ng climate change ay ang pagkasira ng biodiversity na malaking banta sa food supply at water supply sa iba-ibang panig ng mundo.
Kaugnay nito nanawagan sa publiko ang mga organizer ng Earth Hour na makiisa ang lahat sa March 25, 2023 alas 8:30 ng gabi ay sabay- sabay na i-switch off ang lahat ng electric light sa loob ng isang oras bilang pakikiisa sa pagbibigay ng mensahe para sa pagsalba sa planetang mundo.
Vic Somintac