Dating Cong. Pryde Henry Teves kabilang na rin sa iniimbestigahan sa Degamo murder
Isa na rin si dating Congressman Pryde Henry Teves sa iniimbestigahan ng NBI kaugnay sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa iba pang kaso ng pamamaslang sa probinsya.
Si Pryde Teves ang nakatunggali ni Degamo sa pagka-gobernador sa lalawigan at kapatid ni Congressman Arnolfo Teves Jr. na pangunahing isinasangkot ng mga suspek sa krimen.
Sandaling nanungkulan si Henry Teves bilang gobernador ng lalawigan pero napatalsik makaraan na pagtibayin ng Supreme Court ang pagkapanalo ni Degamo.
Muling inihayag ni Justice Secretary Crispin Remulla na lahat ng posibleng dawit sa Degamo killing ay kanilang iniimbestigahan kasama na si Henry Teves.
Binanggit pa ni Remulla na kinausap siya at tinangka ng dating kongresista na magpasok ng mga tao nito sa NBI sa Negros Oriental noong siya ay bago pa lang na kalihim ng DOJ.
Moira Encina