NTC nagsasagawa na rin ng info campaign para sa SIM registration sa senior citizens
Mas pinaigting pa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang information campaign para sa sim registration.
Sa pagkakataong ito, tina-target na rin nila na mahikayat at matulungan sa pagpaparehistro ang mga senior citizen.
Sa Malabon at Caloocan ay nagsagawa ng assistance at info campaign ang NTC para hikayatin ang matatanda na iparehistro ang kanilang SIM.
Sa nasabing aktibidad, ipinaunawa ng NTC sa mga senior citizen ang mahahalagang probisyon ng Republic Act 11934 o SIM Registration Act.
Kasama rin sa tinalakay ay ang tungkol sa Data Privacy at ang proseso ng pagrerehistro ng SIM.
Muli namang tiniyak ng NTC ang proteksyon ng mga personal na impormasyon sa ilalim ng batas.
Ayon sa NTC, hanggang nitong Marso 9 ay umabot na sa 42.7 milyong SIM ang nairehistro o katumbas ng 25.24% ng kabuuang 168 million active SIM subscribers sa Pilipinas.
Ang deadline ng SIM registration ay sa Abril 26, pero pinag-aaralan ng Department of Information and Communications Technology.(DICT) ang posibilidad na palawigin ito.
Madelyn Moratillo