DOJ at iba pang ahensya ng pamahalaan iinspeksyunin ang mga lugar na apektado ng oil spill
Nakatakdang magtungo sa Oriental Mindoro sa susunod na Martes ang mga opisyal ng DOJ at iba pang ahensya ng gobyerno para siyasatin ang mga lugar na apektado ng oil spill.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na ito ay para makumpirma ang paunang findings ng DOJ at NBI kaugnay sa lumubog na MT Princess Empress na pinagmulan ng tumagas na langis.
Ayon kay Remulla, tuluy-tuloy ang pagkalap nila ng mga sinumpaang salaysay at mga ebidensya para makabuo ng kaso.
Tiniyak ng kalihim na may mananagot sa insidente at may masasampahan ng kriminal na kaso at hindi lang ng kasong sibil.
Siniguro ni Remulla na ginagawa ng pamahalaan ang trabaho nito para makuha ang hustisya ng mga naaapektuhan ng oil spill.
Lahat aniya ng anggulo ay kanilang tinitingnan gaya ng insurance ng tanker.
Inihayag pa ni Remulla na may intensyon na manlinlang ang may-ari ng barko nang sabihin ng mga ito na brand new ang barko.
Aalamin din aniya sa case build-up ang pananagutan ng motor tanker pagdating sa pinsala sa kapaligiran, kalikasan, at kalusugan ng mga tao sa mga apektadong lugar.
Moira Encina